Tuesday, October 30, 2007

halaga

“minsan hindi ko maintindihan. parang ang buhay natin ay napagti-tripan. medyo malabo yata ang mundo. binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko” -parokya ni edgar

naglinis ako ng kwarto nung isang araw lang. nagtanggal ng mga lumang damit, sapatos at bag na ilang taon nang ‘di napapakinabangan. pati na rin mga unan, laruan, papel, bolpen at kung anu-ano pang mga gamit na nakakalat lang doon. inilagay ko ang mga ito sa mga malalaking supot para itapon.

nagpatulong ako kay ate dina (na naglilinis ng bahay namin tuwing sabado - wala pa rin kaming kasambahay hanggang ngayon) para ibaba ang mga supot. sabi niya sa akin, “ay ma’am.. magagamit pa ito.. magaganda pa ‘yung iba.. sayang naman.. pwede ko bang iuwi na lang..?” siyempre, pumayag ako.

totoo nga.. marami tayong mga biyayang hindi lubos na binibigyang-halaga. marahil ay nasanay na tayo na naririyan lang ang mga ito. iniisip nating pangkaraniwan na lamang ang mga ito.. maaari nang ipagpalit. lalo na kung nakatuon lamang tayo sa mga mas bago at mas magagarang bagay na maaari nating makuha.

pero para sa isang taong mas nangangailangan.. para sa isang taong iniisip nating mas salat sa biyaya, kasagutan na sa kanyang mga dasal ang mga bagay na binabasura lamang natin.

ano ba ang mahalaga para sa iyo, kapatid? o di kaya.. Sino ba ang binibigyan mo ng halaga? nagpasalamat ka na ba sa Kanya para sa napakaraming biyayang ipinagkaloob Niya?

kung matagal ka nang miyembro ng community na ito, kailan ka huling nagpasalamat sa Kanya at dinala ka Niya sa Rivers? kung may pinagdaanan kang ‘di kanais-nais na karanasan noong nakaraang linggo, nagpasalamat ka na ba sa Kanya dahil iniligtas ka Niya dito? kung kasalukuyan kang nakakaramdam ka ng lungkot o pighati, kaya mo bang pasalamatan Siya sa Kanyang pagdamay sa iyo?

marami tayong dapat ipagpasalamat. maraming mga biyayang dapat na bigyang-halaga. huwag sana nating ibasura na lamang ang pinapangarap ng iba..

No comments: