minsan, mas espesyal ang luha kaysa ngiti. dahil kahit sino puwede mong ngitian. pero ang luha, totoo lang naipapakita sa taong ‘di mo kayang iwan..
hindi ako iyaking tao. hindi ako humihikbi kapag nanonood ng drama. hindi ako naiiyak sa mga kasal, graduation at iba pang mga “kaiyak-iyak” na selebrasyon. bihirang mangilid ang mga mata ko ng luha.
hindi naman ako bato. hindi lang talaga ako sanay na ipinapakita sa iba ang tunay kong nararamdaman. ang tanging naiiyakan ko lang ay ang mga taong pinagkakatiwalaan ko nang lubos.
tulad ng iba, mayroong mga bagay na nakakapagpaiyak sa akin. di man ito makita ng ibang tao, minsan naiiyak ako sa galit kapag may nang-api o nakapagbitiw ng hindi magandang salita sa akin. minsan naiiyak ako sa dami ng gawaing kailangang tapusin, gayong pagod na pagod na ako. minsan rin, iniiiyak ko ang pagkainis ko kapag tila walang pinatutunguhan ang lahat ng aking pagsisikap.
pero may pagkakataon rin na, sa aking pag-iisa, umiiyak ako sa panginoon dahil hindi ko siya maramdaman. bagamat parati akong nagsisimba at pumupunta sa mga prayer meeting.. sa kabila ng lingguhang pag-awit ko ng mga papuri sa kanya.. minsan hindi ko pa rin madama ang kanyang presensya.
marahil isa sa pinakamahirap na maranasan ay ang umiyak ng mga luha ng paghahangad - ang naising makapiling ang isang minamahal na tila ayaw magpakita o magparamdam sa iyo. sinasabi sa awit 42:1.. “kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa; gayon hinahanap ang diyos ng uhaw kong kaluluwa”
subalit ang paghahangad sa ating panginoon ay di lamang luha ang idinudulot. ang ating patuloy na paghahanap sa kanya, balang araw, ay magbubunga ng kagalakan at tuwa. sapagkat sa ating pagkauhaw at sa ating pagsunod sa kanyang mga yapak ay magkakaroon tayo ng pusong nakatuon lamang sa kanya. at ito ay magbibigay sa atin, hindi ng luha, kundi ng awit ng paghahangad para sa ating panginoong minamahal.
“gunita ko’y ikaw habang nahihimlay, pagka’t ang tulong mo sa twina’y taglay; sa lilim ng iyong mga pakpak, umaawit akong buong galak..”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment